Pinaiimbestigahan sa Kongreso ng mga lider at miyembro ng Lakas–Christian Muslim Democrats kaugnay ng umano’y mahal, mabagal at hindi sapat na internet service sa bansa.
Ayon kay Lakas-CMD President at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, nahuhuli pa rin ang Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa pagdating sa mabilis, abot-kaya at accessible na internet kahit may mga umiiral nang batas para rito.
Sinabi ni Romualdez na bagama’t naipasa na ang Konektadong Pinoy Act, marami pa ring Pilipino ang hindi nakakonekta sa internet.
Aniya, kalahati lamang ng mga Pilipino ang may access sa internet sa kabila ng kahalagahan nito sa edukasyon, kalusugan, negosyo at iba pang serbisyo.
Ang panukala ay nakapaloob sa House Resolution No. 823 na inihain nina David Suarez ng Quezon at Jay Khonghun ng Zambales.
Layunin nitong magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation ang House Committee on Information and Communications Technology upang suriin ang kalidad, pagiging maaasahan, presyo at proteksyon sa mga konsumer ng internet services sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Information and Communications Technology, ika-53 lamang ang Pilipinas sa 154 bansa pagdating sa bilis ng internet.
Samantala, ayon sa Philippine Institute for Development Studies, pinakamahal ang buwanang internet sa Pilipinas sa hanay ng ASEAN-5.
Ayon pa sa Lakas-CMD, kailangan suriin kung sapat ba ang umiiral na regulasyon, kompetisyon sa industriya, at proteksyon sa konsumer upang matugunan ang mga reklamo tulad ng mabagal na serbisyo, hindi nasusunod na internet speed, at limitadong pagpipilian ng provider.
Layunin din ng imbestigasyon na pag-aralan ang mga hakbang upang mapababa ang presyo ng internet, mapabuti ang kalidad ng serbisyo, at mabawasan ang digital divide lalo na para sa mga estudyante at pamilyang mababa ang kita.
















