-- Advertisements --

Naghain ng ‘counter-affidavit’ sa Department of Justice si Sen. Jinggoy Estrada ngayong araw.

Personal dumating ang mambabatas sa tanggapan ng kagawaran upang pormal na panumpaan ang isinumiteng kontra-salaysay.

Kaugnay ang kanyang paghahain ng ‘counter-affidavit’ sa reklamong ‘plunder’ na kinakaharap may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Kinumpirma mismo ng kanyang abogado na si Atty. Bianca Soriano ang paghahain nito ng kontra-salaysay kaugnay sa mga reklamong kinakaharap.

Bukod kasi sa plunder, sinampahan rin siya ng National Bureau of Investigation ng reklamong direct at indirect bribery.

Nakapaloob aniya sa isinumiteng kontra-salaysay ng senador ang pagkuwestyon sa reklamong inihain ng NBI na giit nila’y hindi nasunod ang ‘requirements’ sa paghahain ng ‘complaint affdavit’.

Aniya’y liham lamang raw na may kalakip na ‘affidavit’ ang isinumite ng kawanihan sa Department of Justice.

Habang kinuwestyon rin ng kampo ni Sen. Estrada ang bigat at kredibilidad ng mga ebidensya at pagiging ‘inconsistent’ ng mga salaysay na ginamit sa kaso.