-- Advertisements --

Inamin ni dating Congressman Mike Defensor na nakatanggap siya ng impormasyong nananatiling nasa Pilipinas si retired Marine sergeant Orly Guteza.

Subalit, ayon kay Defensor blangko siya sa eksaktong kinaroronan ni Guteza.

Saad pa ng dating mambabatas na wala siyang direktang komunikasyon kay Guteza. Base sa natanggap niyang impormasyon, nasa mabuting kalagayan si Guteza.

Umaasa naman si Defensor na muling lalantad si Guteza kasunod ng kamakailang paglutang ng 18 umano’y dating Marines na nagsiwalat na nagsilbing bagmen at nagdala umano ng P805 bilyong halaga ng male-maletang pera bilang kickbacks umano mula sa maanomaliyang flood control projects.

Matatandaan, naging maingay ang pangalan ni Guteza matapos iharap bilang testigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon, na inimbestigahan ang maanomaliyang flood control projects.

Dito, tumestigo si Guteza na nagsilbing umano siyang security aide ni dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co at nagdala ng male-maaletang halaga ng pera sa ilang pulitiko kabilang si Co at dating House Speaker Martin Romualdez.

Iprinisenta ni Senator Rodante Marcoleta sa Senate Commitee hearing si Guteza, na ipinakilala ni Defensor.