Hindi sang-ayon si Acting Budget Secretary Rolando Toledo na tanggalin ang unprogrammed appropriations mula sa pambansang pondo para sa 2027.
Kamakailan ay sinumulan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paghahanda para sa panukalang pondo sa susunod na taon.
Ayon sa opisyal, ang naturang appropriations ay hindi masamang panukala, ang mali aniya ay kung paano ito gugugulin. Kayat mahalaga aniya na limitahan ang mga programa o proyekto na kanilang isasama sa panukalang pondo.
Matatandaan, ilang grupo ang nanawagang tanggalin na ang unprogrammed appropriations, kung saan ilang mambabatas ang humiling sa Korte Suprema na ideklara ang naturang appropriations sa 2026 national budget bilang unconstitutional o labag sa batas.
Ipinaliwanag ni Acting Secretary Toledo na sa budget ngayong 2026 ay nilimitahan lamang nila ito sa tatlong listahan ng proyekto kabilang ang foreign assisted project, risk management program at ang AFP Modernization Program.
Aniya, mahalaga ang unprogrammed funds partikular na para sa foreign-assisted o mga Public-Private Partnership projects na inaprubahan matapos maitakda ang taunang spending plan.
Subalit, ang unprogrammed appropriations ay nagamit din para pondohan ang bilyun-bilyong pisong halaga ng flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways noong 2023 at 2024.
Kinumpirma naman ni Toledo na ang mga inilabas na pondo mula sa unprogrammed appropriations ay ginamit para sa flood control projects.
Gayunman, hindi umano batid ng opisyal ang posibleng anomaliya sa mga proyekto hanggang sa isiwalat ito mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong nakalipas na taon.
















