Inihayag ni Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na posibleng lumaki pa ang kabuuang bawas sa produksyon ng palay sa bansa ngayong taon bunsod ng patuloy na epekto ng El Niño.
Ayon kay Montemayor, posibleng umabot o lumagpas pa sa isang milyong metriko tonelada ang bawas sa ani sa nalalabing bahagi ng panahong ito kung hindi agad gagawa ng kaukulang hakbang.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang National Food Authority na paigtingin ang pagbili ng mga aning palay mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng government support price.
Iminungkahi rin niya ang pagpapabilis sa pagtatayo at paggamit ng mga solar-powered irrigation system upang matiyak na may sapat na patubig ang mga magsasaka, pati na ang pamamahagi ng karagdagang fertilizer at fuel subsidies para sa kanilang mga kagamitan.
Sa iba pang usapin, kinuwestiyon naman ni Montemayor ang naging hakbang ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa gitna ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa kontrobersya ng shipment ng bigas mula sa Vietnam.
Aniya, bilang dating kalihim ng ahensya, hindi nararapat ang naging hakbang ni Laurel kontra sa alegasyon dahil maaari lamang itong magdulot ng masamang hinala sa publiko na mayroon siyang itinatago.
Dahil dito, hinikayat niya si Laurel na maghain ng leave of absence habang isinasagawa ang imbestigasyon upang maiwasan ang anumang duda sa tanggapan.













