-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga sub-agency nito upang tugunan ang banta ng pinatinding El Niño sa bansa.

Inatasan ni Laurel ang National Food Authority (NFA) na gamitin ang malaking bahagi ng badyet nito upang agresibong bumili at mag-imbak ng palay at bigas para mapuno ang mga warehouse nito, lalo’t aniya nasa 40 % na lamang ang natitirang anihan sa bansa na kailangang mabili bago matapos ang panahon ng ani.

Tiniyak din ng ahensya na puno ang mga cold storage facility para sa iba pang produktong agrikultural, habang patuloy ang pamamahagi ng solar pump irrigation sa mga lugar na may mapagkukunan pa ng tubig upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot.

Tiniyak ng kalihim na nananatili ang kumpiyansa ng ahensya na hindi mawawalan ng mga pangunahing bilihin sa merkado sa pangkalahatan.

Aniya, ang pag-aangkat o importation ang magiging huling opsyon lamang ng pamahalaan sakaling magkaroon man ng shortage sa lokal na produksyon.

Sa usapin naman ng pondo, nakatanggap na ang ahensya ng P2.6 billion mula sa hinihinging P45-billion supplemental budget para sa agad na pagpapatupad ng mga mitigating measures laban sa krisis at El Niño.

Inaasahan din ng ahensya ang dagdag na P10 billion para sa solar irrigation, pumps, at bio-fertilizers, pati na para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks bilang paghahanda at tulong sa mga magsasaka at mangingisda.