Umabot na sa mahigit 4,000 ang naitalang kaso ng dengue sa lungsod ng Maynila, ayon sa pinakahuling datos ng Manila Health Department.
Batay sa Epidemiology and Disease Surveillance System, umabot sa 4,048 ang kaso ng dengue na naitala sa lungsod mula Enero 1 hanggang Oktubre 19.
Bukod sa dengue, nakapagtala rin ang Maynila ng 28 bagong kaso ng influenza-like illness (ILI). Dalawa sa mga ito ang severe acute respiratory infection (SARI), habang isa naman ang kaso ng leptospirosis.
Samantala, wala namang naitalang kaso ng cholera at typhoid fever, gayundin ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Sa isang facebook post ni Manila Mayor Isko Moreno, hinihikayat niya ang mga Manileño na huwag nang hintaying lumala sintomas ng anumang sakit at agad na magpakonsulta agad sa eksperto upang mabigyan ng agarang atensyong medikal.












