-- Advertisements --

Pormal nang pinasilip ang tinaguriang “Mt. Kamuning” footbridge sa Quezon City ng mas moderno at mas madaling akyatin na overpass para sa mga commuter.

Ang naturang footbridge ay mas mababa ang hagdan at mayroon ding elevator para sa mga hindi kayang gumamit ng hagdan.
Bukod dito mayroon ding wheelchair lift at mga wheelchair upang makatulong sa mga taong may kapansanan.

Layunin ng proyekto na gawing mas accessible ang tawiran para sa senior citizens, persons with disabilities, at iba pang gumagamit ng EDSA Busway at MRT-3.

Tinatayang mahigit 750,000 commuter ang makikinabang sa proyekto, kabilang ang mga sumasakay sa MRT-3 at EDSA Busway sa Metro Manila.

Nagkakahalaga ng P87.3 million ang kabuuang proyekto (P54.7 million para sa footbridge at P32.6 million para sa busway station).

Matatandaang sinimulan ang konstruksyon noong Oktubre 2025 at natapos noong Pebrero 2026 sa ilalim ng joint venture ng Unimasters Conglomeration Inc. at Dragonhart Construction Enterprise Inc.

Bukod sa bagong footbridge, inayos din ang Kamuning busway station kung saan pinalitan ang mga waiting shed, signages, at naglagay ng security pods, station personnel outposts, at tactile tiles upang matulungan ang mga visually impaired na pasahero.