LAOAG CITY – Isang libreng sakay ng bus ang iaalok sa mga deboto na walang sasakyan para sa Visita Iglesia sa Huwebes Santo, Abril 2 dito sa lungsod ng Laoag, lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Engr. Neil Jose, ang dating Presidente ng Pugad Lawin, na may apat na bus ang Pugad Lawin na gagamitin sa pagbiyahe ng mga deboto sa pitong simbahan kung saan dalawang bus para sa umaga at dalawa para naman sa hapon.
Gayunman, ipinaliwanag niya na dahil sa kasalukuyang mataas na presyo ng petrolyo ay posibleng hindi na matuloy ang pagbiyahe ng dalawang bus na maghahatid sa hapon.
Aniya, maghihintay ang mga bus ng 6:00 ng umaga sa harap ng Provincial Capitol.
Kabilang sa mga simbahang bibisitahin nila ang Mangato Church, Paoay Church, Currimao Church, Badoc Church, Sinait Church, Batac Church at San Nicolas Church.
Kaugnay nito, bukod sa libreng sakay na iniaalok, magbibigay din ang grupo ng libreng tubig at pagkain para sa mga deboto.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na nag-alok sila ng libreng sakay ng bus para sa Visita Iglesia.
















