Target ng Department of Education (DepEd) na mabigyan ng promosyon ang nasa 100,000 mga guro at school heads bago matapos ang taong kasalukuyan, bilang bahagi ng mas pinalawak na suporta at reporma para sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Inihayag ito ng kagawaran kasabay ng pagtatapos ng School Year 2025-2026 at sa opisyal na pagsisimula ng isang buwang bakasyon ng mga guro nitong Abril 1.
Ayon sa DepEd, ang nasabing target ay maisasakatuparan sa ilalim ng Expanded Career Progression System, na naglalayong magbigay ng mas malinaw at mabilis na proseso ng promosyon para sa mga educator.
Ang hakbang na ito ay resulta ng serye ng mga pambansang konsultasyon at pagbisita sa mga paaralan.
Bukod sa promosyon, tiniyak din ng ahensya ang pagpapagaan sa pasanin ng mga guro sa silid-aralan. Kabilang sa mga repormang ipinatupad kamakailan ay ang pagrebisa sa guidelines para sa classroom observation, pamamahagi ng overtime at overload pay, at ang tuluyang pagbabawas sa administrative workload.
Tuloy-tuloy rin ang distribusyon ng pamahalaan ng mga laptop at iba pang learning resources.
Pinuri ni Education Secretary Sonny Angara ang sakripisyo ng mga guro sa patuloy na paghubog sa mga kabataan sa kabila ng mga hamon sa sektor.
Samantala, itinuturing din ng DepEd na patunay ng tumataas na kalidad ng edukasyon ang mga natatanging tagumpay ng mga mag-aaral ngayong taon.
















