-- Advertisements --

Nailigtas at nasa mabuting kalagayan na ang lahat ng mga tripulante ng isang oil tanker matapos itong targetin ng mga “cruise missiles” mula sa bansang Iran ngayong umaga.

Ligtas na nai-evacuate ang mga tauhan ng barkong Aqua One, isang sasakyang pandagat na inupahan ng QatarEnergy, nang mangyari ang insidente sa loob mismo ng territorial waters ng Qatar.

Ayon sa mga ulat, tatlong cruise missiles ang pinakawalan ng Iran patungo sa barko.

Mabilis namang nakatugon ang Qatari armed forces at matagumpay na na-intercept ang dalawa sa mga ito.

Gayunpaman, isang missile ang nakalusot at tumama sa barko na naging sanhi ng sunog sa above water level na bahagi ng sasakyan.

Nangyari ang pag-atake may 17 nautical miles sa hilagang bahagi ng Ras Laffan Industrial City.

Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga at lawak ng pinsala ng naturang barko.

Wala pang opisyal na pahayag ang dalawang bansa hinggil sa motibo ng nasabing pag-atake.