Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng mas malawak na interbensyon mula sa pamahalaan upang maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa tumitinding epekto ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng krisis sa Middle East.
Binigyang-diin ni Pangilinan na ang pagtaas ng global oil prices ay direktang nagtutulak pataas sa gastos sa transportasyon, abono, at iba pang mahalagang agricultural inputs na lalong nagpapahirap sa maliliit na magsasaka at mangingisda. Aniya, nalalagay sa panganib ang food security ng bansa kung patuloy na magiging limitado ang suporta sa mga sektor na ito.
“Kakaunti na nga lang ang makikinabang, maliit pa,” ani Pangilinan, tinutukoy ang planong ₱2,325 one-time cash aid na para lamang sa apat na milyong magsasaka mula sa tinatayang 10 milyong rehistrado.
Sa sektor ng pangingisda, nasa 400,000 lamang sa 2.4 milyong mangingisda ang inaasahang makakatanggap ng tulong. Bukod dito, tinatayang 15,000 mangingisda lang ang makikinabang sa fuel assistance mula sa limitadong pondo ng pamahalaan.
Ayon kay Pangilinan, hindi sapat ang kasalukuyang mga hakbang at dapat maglatag ang Department of Agriculture (DA) ng malinaw at komprehensibong plano upang matiyak ang tuloy-tuloy at abot-kayang produksyon ng pagkain.
Iminungkahi rin niya ang paggamit ng iba pang pondo tulad ng quick response fund ng DA at maging ng calamity fund, kung kinakailangan, upang madagdagan ang ayuda sa sektor.
Nauna na ring itinulak ni Pangilinan ang pagpapalawak ng fuel subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda, pati na ang pansamantalang pagsuspinde ng fuel excise tax upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kasabay nito, isinusulong din niya ang mga reporma tulad ng pagpapalakas ng agricultural cooperatives, pagbabalik ng agricultural extension services sa ilalim ng pamahalaan, at paglikha ng isang komisyon na tutok sa agrikultura, pangingisda, at food security.
Sa gitna ng umiigting na krisis, iginiit ni Pangilinan na kinakailangan ang agarang aksyon upang matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang suplay ng pagkain ng bansa.
















