-- Advertisements --

Pangalawang araw ng panibagong oil price hike sa bansa pasakit sa mga tsuper bunsod pa rin ng patuloy na paggalaw ng pandaigdigang merkado ng langis sa gitna ng nagpapatuloy na alitan sa Middle East at pagmahal ng dolyar.

Kahapon, Setyembre 22, nagsimula nang magtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis na nagpasakit sa ulo ng mga tsuper at komyuter kasunod ng anunsyo ni Department of Energy Secretary Sharon Garin.

Aabot sa P4.88 kada litro ang itinaas sa gasolina, P8.82 sa diesel, at P6.47 naman sa kerosene.

Batay sa monitoring ng Bombo Radyo sa mga gasolinahan sa Makati, sumisipa na sa P80–P88 ang kada litro ng gasolina, habang ang diesel ay nasa P88–P95. Pumalo naman sa mahigit P100 ang presyo ng kerosene.

Ayon kay Mario Albol, isang jeepney driver, malaking pahirap sa kanila ang sitwasyong ito. Aniya, sa halip na malaking halaga ang maiuwi para sa pamilya, sa gasolinahan na lamang napupunta ang kanilang pinagpaguran sa maghapon at magdamag na biyahe.

Dagdag pa rito, hindi rin sila makapagtaas ng pasahe upang maibsan ang pasakit dahil wala pang aprubadong dagdag-pasahe mula sa pamahalaan.