-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na mananagot ang mga napiling ‘state witness’ sa kaso ng flood control sakaling bawiin nila ang testimonya ukol sa kontrobersiya.

Ayon kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, mahaharap sa kaso ang mga ito kung matuloy o magkaroon ng ‘recantation’ ng salasaysay.

Paglabag aniya raw kasi ang naturang hakbang sa mga kondisyon inilatag at napagkasunduan ng ‘state witnesses’ sa ilalim ng Witness Protection Program.

Sa kabila ng mga usap-usapang ‘recantation’, paglilinaw naman ng kalihim na sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon hinggil rito.

Gayunpaman, umaasa si Justice Sec. Vida na ang mga napiling ‘state witnesses’ sa flood control ay magpapatuloy at tatayo sa korte sa oras na pormal nang maisampa ang kaso.

Samantala, sa oras naman na maganap ang ‘recantation’, nanindigan ang Department of Justice na wala ng bawian ng naisaoli ng pera mula sa anomalya.

Giit ni Justice Sec. Vida na mananatili sa pamahalaan ang milyun-milyon ‘restitution money’ nanggaling at boluntaryong ibinalik ng mga testigo sa flood control.

Kung maalala, batay sa impormasyon ng kagawaran, aabot na sa higit 300-M Piso ang kabuuang halaga ng nakolekta at nai-turn over ng ‘restitution money’ mula sa maanomalyang mga proyekto.

Habang kumpyansa ang kagawaran ng katarungan sa mga naitalagang ‘state witness’ sapagkat nakikipagtulungan naman ito sa kanila upang mabuo ang mga kasong isasampa.