-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang aktibong mga kaso ng Nipah Virus sa bansa at siniguro rin na patuloy ang ginagawang paghahanda ng kanilang ahesya para maiwasan ang pagpasok ng virus sa borders ng Pilipinas.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, kabilang ang Pilipinas sa mga naghihigpit sa mga pumapasok at lumalabas ng borders kabilang na ang Taiwan at Thailand dahil pa rin sa banta ng naturang sakit.

Aniya, sa kanilang ongoing monitoring, wala pang naitatalang mga mamamayan na mayroong mga sintomas o history ng exposure sa Nipah Virus.

Paliwawanag pa ng tagapagsalita, batay na rin sa datos na ibinigay ng India, dalawa lamang ang kumpirmadong kaso ng virus sa kanilang bansa kung saan nakaabot na rin sa halos 200 katao ang kanilang naging tracing at isolation na lahat naman aniya’y nagnegatibo sa virus at pinaniniwalaan ding ‘contained’ sa ngayon.

Dahil dito, mas pinaigting pa ang pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran sa mga paliparan lalo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan nagtalaga na ng mga dedicated spotter nurses ang DOH para obserbahan ang mga dumadating na pasahero para sa mga signs at sintomas.

Maliban dito, nakalatag na rin ang paggamit ng mga terminal cameras na siya namang kusang binabasa ang body temperature ng mga pasahero habang nire-require naman ang pag-fill up sa mga e-travel documents sa loob ng 72 hours para sa pagtukoy sa mga bansa at nasyon na nauna nang binisita ng mga pasahero na dadaan sa terminal.

Ang mga sintomas din aniya ng virus ay pangkaraniwan at normal na nararamdaman gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, sipon at mala-trangkasong sakit at ang malala naman nitong sintomas ay ang pamamaga ng utak.

Paalala naman ng kagawaran sa mga nakakaranas ng ganitong mga sintomas, huwag mag-panic kung nakakaranas ng mga ganitong sakit dahil hindi ito otomatikong nagpapahiwatig na ito ng Nipah Virus.

Samantala, dahil nga walang bakuna para sa naturang virus, inihanda na rin ng DOH ang kanilang isolation rooms sa mga DOH Hospitals at maging sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa bilang mga isolation areas kung sakali.