Nakatakdang ipresenta sa Setyembre 18 ang kopya ng CCTV footage na umano’y nakahuli sa isang tauhan ng construction firm na sangkot sa kontrobersiya sa mga flood control project habang bumibisita sa Senado noong Agosto 19.
Kaugnay ito ng alegasyon ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na isang nagngangalang Mina, staff ng WJ Construction Company, ang nagdala ng “obligasyon” o lagay sa isang staff ng senador.
Ayon kay Lacson, layunin ng paglalabas ng CCTV ay upang matukoy kung aling opisina sa Senado ang binisita ni Mina. Sa ngayon, malinaw lamang na nakapunta ito sa tanggapan ng Blue Ribbon Committee.
Dagdag pa ni Lacson, ipatatawag din ang nasabing tauhan upang malaman kung sino talaga ang kanyang pinuntahan sa Senado at kung ano ang dahilan ng kanyang pagbisita.
Sa nagdaang pagdinig ng komite sa Kamara inihayag ni Hernandez na nag-abot umano ang WJ Construction ng “obligasyon” kay Beng Ramos, na tinukoy niyang kasamahan ni Senador Jinggoy Estrada.
Mariing itinanggi naman ni Estrada na may tauhan siyang nagngangalang Beng Ramos at iginiit na wala rin siyang kinalaman sa anumang korapsyon kaugnay ng mga flood control projects.
Samantala, sinabi ni Lacson na ipatatawag din nila ang opisyal na nangangasiwa sa CCTV sa Senado upang maging pormal ang testimonya hinggil sa nakunan ng kamera.
















