Nanawagan si Davao City First District Representative Paolo Duterte ng isang independent at transparent na forensic examination sa larawang kumakalat online na umano’y nagpapakita ng isang mataas na opisyal ng gobyerno na gumagamit ng ilegal na droga.
Sa pahayag na inilabas sa kanyang official Facebook page, sinabi ni Duterte na ang isyu ay seryoso at hindi dapat binabalewala, lalo’t marami umanong Pilipino ang nababahala.
Aniya, kailangang harapin nang direkta ang mga tanong ng publiko upang maiwasan ang espekulasyon at pagkawala ng tiwala.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat husgahan ang sinuman batay lamang sa isang larawan, ngunit ang mga may hawak ng mataas na posisyon lalo na ang Pangulo ay inaasahang may mas mataas na antas ng pananagutan.
Nagbabala rin ang dating presidential son na ang pananahimik o pag-iwas sa isyu ay lalo lamang magpapalalim sa kawalan ng tiwala ng publiko.
Binanggit din niya ang mga naunang alegasyon ng paggamit ng droga, ang pagtangging sumailalim sa hair follicle drug test, at ang mga isyu ng umano’y korapsyon sa trilyon-pisong flood control funds.
Ayon kay Cong. Duterte, kung mahigpit ang batas sa karaniwang mamamayan, dapat ay mas mahigpit ito sa mga nasa kapangyarihan, sabay-diin na sa isang demokrasyang bansa, ang pagtatanong ay hindi pag-atake kundi isang pananagutan ng pamumuno.
















