Naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Basyang ang kabuuang 61 electric cooperative (EC) sa Visayas at Mindanao, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa Energy Situation report na inilabas ng ahensiya, nakapagtala ang mga naturang kooperatiba ng iba’t-ibang problema tulad ng napatid na linya ng kuryente, nabuwal na poste, at iba pa, na dahilan ng mga serye ng power interruption.
Isang EC ang nag-ulat ng total power interruption sa kasagsagan ng bagyo (Prosielco – Siquijor), na patuloy ngayong inaayos ng mga linemen.
Pitong kooperatiba naman ang nakapagtala ng partial power interruption hanggang kaninang umaga (Feb. 7). Kinabibilangan ito ng mga electric cooperative mula sa Leyte, Southern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, at Agusan del Norte.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pagsasa-ayos sa mahigit 34,000 consumer connections na naapektuhan ng bagyo.
Sa kabila nito, naibalik na rin sa normal operations ang 87% ng mga linya na unang natukoy na naapektuhan ng bagyo.
















