Inilabas ang isang CCTV footage na kuha noong Setyembre 4 kung saan makikita ang pag-uusap nina dating DPWH USec. Catalina Cabral at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste para umano kunin ang files sa 2025 budget allocations sa bawat distrito.
Makikita sa naturang footage na maayos na nag-uusap ang dalawa kasama ang ilang mga staff, habang hawak ni Leviste ang ilang papeles sa may hallway ng DPWH central office.
Ang naturang footage ay tila tumutugma naman sa naging panayam sa isang DPWH staff kung saan kaniyang isiniwalat ang umano’y nangyaring insidente sa parehong petsa dakong hapon sa pagitan nina Leviste at Cabral sa loob ng DPWH central office.
Base sa DPWH staff, hindi pwersahan umanong kinuha ni Leviste ang mga dokumento at kinopya ang files mula sa computer ni dating DPWH USec. Catalina Cabral at inilipat sa kaniyang sariling flash drive. Nakita din anila ang dating opisyal na nagtamo ng hiwa ng papel sa kaniyang daliri at dugo sa kaniyang damit at blood-stained sa mga dokumento.
Subalit, nauna naman ng pinasinungalingan ng mambabatas ang naturang alegasyon laban sa kaniya.
Nauna ng ibinunyag ni Leviste na hawak niya ang files na ibinigay umano sa kaniya ni Cabral na naglalaman ng mga listahan ng umano’y proponents sa maanomaliyang flood control projects kung saan kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno.















