-- Advertisements --

Inihayag ni Deputy Speaker at Antipolo Representative Ronaldo Puno, chairman ng National Unity Party (NUP), na may ilang miyembro ng partido ang hindi nasisiyahan sa liderato ni House Speaker Bojie Dy dahil sa patuloy na pagkaantala ng pagpapalabas ng pondo para sa mga proyekto ng distrito.

Ayon kay Puno, nadismaya ang ilang kongresista matapos matuklasan na minarkahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang ilang pondo para sa district projects bilang “for later release,” na nagdulot ng pangamba sa implementasyon ng mga programang nakalaan para sa kanilang mga nasasakupan.

Sinabi rin niya na pag-uusapan ng mga miyembro ng NUP sa panahon ng congressional break kung mananatili pa sila sa House Majority o kung bababa sila sa kanilang mga posisyon sa pamunuan ng Kamara bilang tugon sa isyu.

Nilinaw naman ni Puno na hiwalay ang usapin ng pondo sa kanilang posisyon kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. 

Binigyang-diin niya na ang nais lamang ng kanilang grupo ay matiyak na may sapat at matibay na basehan ang anumang hakbang na may kinalaman sa nasabing kaso.