Inihambing ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Sabado ang paggamit ng “allocables” sa pambansang budget, na umano’y konektado sa kickbacks ay isang planned robbery.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na ang mga opisyal ng gobyerno na nagsusumite ng “wish list” ng mga proyekto upang kumita ng komisyon o kickback mula sa allocable funds ay parang nagnanakaw narin sa bansa.
Binigyang-diin niya na walang papel ang mga mambabatas sa pagtukoy ng mga proyekto sa National Expenditure Program (NEP), na inihahanda ng executive branch.
Limitado rin aniya ang tungkulin ng Kongreso na dapat ay magsumite lamang ng amendments pagkatapos maipasa ang NEP.
Ginawa ng Senador ang pahayag bago ang Senate Blue Ribbon Committee inquiry para sa tinaguriang “Cabral Files”, na nakatakdang simulan sa Enero 19.
Nabatid na naglalaman ang mga files ng detalyadong listahan ng mga proyekto sa bawat legislative district at ang kanilang mga itinalagang proponents.
Sa nakaraang pagdinig, magugunitang lumabas sa ilalim ng umano’y scheme na maaaring makatanggap ng allocables ang mga senador at miyembro ng Kamara, na nagbibigay-daan sa kanila na maging proponents ng proyekto at kolektahin ang kickback na hindi bababa sa 25% ng project cost.
Nilinaw ni Lacson na pwedeng humiling ng pondo para sa proyekto, ngunit ang pagsumite ng allocables sa NEP preparation stage na may layuning kumita ng komisyon ay maituturing na planned o attempted robbery.
Dahil dito bibigyang-pansin ng Senate committee ang authentication ng Cabral Files sa Lunes kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Lacson, kung hindi ma-authenticate, hindi maaaring gamitin ang files sa records ng komite.
Ang dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay nasa California parin para sa medical procedure ng kanyang asawa. Sinabi ni Lacson na hindi hihinto ang imbestigasyon sa kanyang kawalan, ngunit maaaring makaapekto sa kaso ng dating opisyal.
Maaari daw dumalo si Bonoan sa pamamagitan ng video conferencing, ngunit kailangan sundin ang legal requirements, kabilang na ang oath taking sa loob ng embahada.
Samantala inaasahang dadalo sa pagdinig si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dating hepe ng Philippine National Police Gen. Nicolas Torre III, at dalawa pang resource persons.














