Nananatiling walang komunikasyon ang Senado kay Sen. Ronald Dela Rosa, mahigit tatlong buwan mula noong hulin siyang namataan sa mataas na kapulungan.
Sa isang panayam, natanong si Sen. Panfilo Lacson kung nakikipag-ugnayan sa mga senador o sa liderato ng Senado ang dating heneral sa loob ng ilang buwan na pagkawala.
Ayon kay Lacson, mistulang ‘invisible’ ngayon si Dela Rosa.
Nakakausap lamang aniya ng Senado ang isa sa kaniyang anak at ang ilang staff ni Dela Rosa na patuloy na nagtatrabaho sa kaniyang opisina. Maging sila aniya ay aminado ring hindi pa nakikipag-ugnayan ang senador.
Wala din aniyang ipinadalang mensahe ang naturang senador, na nagsasabing gusto na njyang bumalik sa senat.
Sa kabilang banda, tinitiyak naman ng liderato ng Senado walang dahilan para isara ang opisina ni Dela Rosa o hindi pasahurin ang kaniyang staff kahit na hindi siya pumapasok at nakikibahagi sa sesyon.
Ayon kay Lacson, mananatili ito hangga’t nagsisilbing senador si Dela Rosa.
















