Inihayag ni Davao City Mayor Sebastian Duterte na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028, matapos sabihing siya ay “pagod na at sawa na” sa politika. Ginawa niya ang pahayag matapos dalawin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahalal bilang alkalde ng Davao City ngunit nananatiling nakadetine sa The Hague.
Siya ang umako sa pamumuno ng lungsod matapos hindi makapanumpa ang kanyang ama. Kaugnay ng planong pagtakbo sa pagkapangulo ng kanyang kapatid na si VP Sara Duterte sa 2028, sinabi ng alkalde na mas nais niyang manatili sa Davao.
Nagpahayag din siya ng kawalan ng tiwala sa International Criminal Court (ICC), na humahawak sa kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo. Samantala, iginiit ng administrasyon ni Pres Ferdinand Marcos Jr. na tumalima lamang ang pamahalaan sa obligasyon nitong makipagtulungan sa international tribunals. (report by Bombo Jai)
















