Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Sabado na ang pagsuko sa Kalayaan Island Group (KIG) ay hindi naiiba sa pagsuko sa buong bansa.
Ayon sa Senador, nakasaad sa international law na ang unang bansa o grupo na makadiskubre at makakuha ng kontrol sa lupain ay puwede itong igiit bilang sa kanila.
“‘Giving up’ the Kalayaan Island Group is no different from giving up Luzon Island or the entire country. Under international law, first discovery and possession of land that belongs to no one under the legal principle of ‘res nullius’ or ‘terra nullius’ is a recognized mode of sovereign ownership. Even non-lawyers were taught this in school,” ani Lacson sa kanyang post sa X (dating Twitter).
Paliwanag pa ni Lacson, natuklasan at inangkin ng lawyer at adventurer na si Tomas Cloma ang Spratly Islands sa ilalim ng prinsipyong “res nullius”, kung saan ang sinumang makatuklas at makapanakop sa lupain ay kinikilalang may-ari nito. Kalaunan, isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari ng nasabing mga lupain sa pamahalaan ng Pilipinas.
Ang pahayag ni Lacson ay tugon sa kontrobersyal na naging tugon ni Senador Rodante Maracoleta na isuko ang KIG sa China dahil hindi na umano ito sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Yan ang hindi ko mapalampas,” sabi ni Lacson, na bumisita sa KIG noong 2021, sa isang panayam sa radyo. Dagdag pa niya na ang Kalayaan ay isang munisipalidad ng Palawan at tinitirhan ng tinatayang 300 pamilyang Pilipino.
“Nang narinig ko sabi ni Sen. Marcoleta na ipamigay na lang natin, hindi ako makapigil doon kailangan liwanagin natin kasi sa atin ‘yan at may basehan kung bakit atin ‘yan. Sabi niya sa labas ng EEZ. ‘Di ko matanggap ‘yan kasi nandoon na nga may Pilipino sa Pagasa Island,” aniya.
Nilinaw naman ni Marcoleta na ang kanyang pahayag ay na mali lang ng pagkakaintindi.
Pero para kay Lacson, ipinaliwanag lamang niya na ang arbitral award sa West Philippine Sea ay hindi sumasaklaw sa Kalayaan Island Group, na kinabibilangan ng Pag-asa Island.
“Paano ka ngayon makakagawa ng mapa ng West Philippine Sea kung isinama mo yung Kalayaan Island Group? Kaya hanggang ngayon, pinipilit ko, hinahamon ko sila eh. Hindi nila magawa,” ani Lacson.
Samantala naniniwala naman si Senador erwin Tulfo na hindi papabor ang mayorya ng mga Pilipino sa suhestiyon ni Marcoleta.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malinaw ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang isusuko kahit na katiting na lupa sa West Philippine Sea.















