Maglalabas ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng show-cause order laban sa Solar Para sa Bayan Corp. (SPBC) kasunod ng mga reklamong natanggap mula sa consumers at mga ulat ng umano’y paglabag, kabilang ang unauthorized operations at paniningil ng kuryente nang walang pahintulot ng regulator.
Ayon sa ERC, iniulat na nag-operate ang SPBC sa Paluan, Occidental Mindoro, at iba pang off-grid areas nang walang kinakailangang Authority to Operate at Certificates of Compliance para sa mga power generation facility nito.
Binigyang-diin ng komisyon na obligado ang mga power provider na makakuha muna ng naturang mga pahintulot bago magsimulang mag-operate at maningil ng kuryente sa mga consumer.
Ang nasabing kumpanya ay nabigyan ng 25-taong non-exclusive franchise noong 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11357 upang mag-develop at mag-operate ng renewable energy-based microgrids sa mga liblib na lugar at sa mga wala pang gaanong kuryente. Gayunman, iginiit ng ERC na malinaw sa prangkisa na kailangang sumunod ang kumpanya sa lahat ng regulatory approvals, lalo na sa pag-apruba ng mga singil sa kuryente.
Inilarawan ni ERC Chairperson at CEO Atty. Francis Saturnino Juan ang umano’y mga paglabag bilang seryoso, partikular ang paniningil ng kuryente nang walang paunang pahintulot ng komisyon.
Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Batangas Rep. Leandro Leviste, na iniuugnay sa SPBC, na hindi na umano operational ang kumpanya.
“The company, I think, was also publicly already reported to be no longer operational. So, there’s no franchise. If I’m not mistaken, that really would not have any effect on anyone at this point,” ayon kay Leviste.
Dagdag pa niya, tumigil na umano sa operasyon ang SPBC mahigit apat na taon na ang nakalilipas, at may batas na ipinasa noong 2022 na umano’y pumalit o sumapaw sa prangkisang ipinagkaloob noong 2019.
Ayon sa ERC, ang paglalabas ng show-cause order ay bahagi ng mandato nito na protektahan ang mga consumer ng kuryente at tiyakin ang pagsunod ng mga power providers sa batas, mga patakaran, at kondisyon ng kanilang mga prangkisa.
















