Ipinasa ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 2778, na kilala rin bilang Student Internship Allowance Act. Ang panukalang batas na ito ay may layuning magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga estudyanteng nagsasagawa ng internship, practicum, o on-the-job training bilang bahagi ng kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng panukala , ang mga estudyanteng matagumpay na makatatapos ng kanilang internship, practicum, o on-the-job training sa mga kolehiyo at technical-vocational institutions sa buong bansa ay makakatanggap ng ₱10,000 na one-time internship allowance.
Sakop nito ang kanilang pamasahe papunta at pabalik sa kanilang training location, pati na rin ang kanilang pang-araw-araw na pagkain.
Ayon kay Representative Jude Acidre, kinikilala ng panukalang batas ang mahalagang papel ng internship bilang isang tulay na nag-uugnay sa teoretikal na pag-aaral sa loob ng silid-aralan at sa tunay na mundo ng trabaho.
Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng mga estudyante na nag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong Pilipinas, basta’t ang mga paaralang ito ay kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED).
Ang allowance na ibibigay sa mga estudyante ay non-taxable, ibig sabihin, hindi ito papatawan ng buwis. Ito rin ay non-transferable, kaya hindi ito maaaring ilipat sa ibang tao.
Bukod dito, walang anumang kaltas na gagawin sa allowance, at ang buong halaga na ₱10,000 ay mapupunta sa estudyante.














