-- Advertisements --

Nanawagan si dating gobernador Luis “Chavit” Singson sa publiko na huwag nang magdaos ng mga rally dahil baka may manggulo pa, at sa halip ay ipaubaya na lamang sa kabataan ang laban para sa pagbabago sa gobyerno.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Singson na ang mga kabataan ang may lakas at tapang upang manguna sa rebolusyon laban sa katiwalian.

Ayon pa sa kanya, dapat munang tumigil sa pag-aaral ang mga nasa high school at college hangga’t hindi natatanggal ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan.

Aniya, mas mahalaga sa kasalukuyan ang aktibong pakikilahok ng kabataan sa mga isyung panlipunan kaysa sa pananatili sa loob ng silid-aralan.

Ang pahayag ni Singson ay umani ng sari-saring reaksyon mula sa mga sektor ng edukasyon, kabataan, at civil society.

Ilang grupo ng guro at mag-aaral ang nagpahayag ng pagkabahala, sinasabing hindi dapat isakripisyo ang edukasyon sa gitna ng panawagan para sa reporma.

Sa kabila ng kontrobersyal na panukala, iginiit ni Singson na ang kanyang layunin ay gisingin ang kamalayan ng kabataan upang maging mas aktibo sa pagtatanggol ng demokrasya at pagtutol sa katiwalian.