Pinaalalahanan ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang Office of the Solicitor General na isang ministerial act o kilos na ipinag-uutos ng batas ang pagtanggap ng impeachment complaints.
Ipinunto rin ng mambabatas na walang discretion ang mga opisyal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para ipagpaliban o tanggihan ang paghahain ng naturang reklamo.
Aniya, ang pagiging lehitimo ng impeachment complaint ay nakadepende hindi lamang sa kalalabasan nito, kundi maging sa integridad ng isinasagawang proseso.
Giit pa ni De Lima, hindi pwedeng gamitin ang administrative inconvenience o teknikal na palusot para suspendihin ang utos ng Konstitusyon.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos muling hindi tanggapin ng opisina ni Secretary General Cheloy Garafil ang ikatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, sa kadahilanang nasa Taiwan ang opisyal para tumanggap ng parangal.
Matatandaang, inihain ng grupo ng Makabayan Coalition at nina dating Congressman Mike Defensor at dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang ikalawa at ikatlong impeachment complaint dahil ayon sa kanila, ang naunang reklamo na inihain ni Atty. Andre de Jesus ay mahina.
Tinanggihan din itong tanggapin ni Executive Director Jose Marmoi Salonga dahil wala umano siyang awtoridad para tanggapin ang mga ito sa ngalan ng Secretary General.
















