BUTUAN CITY – Handa na ang Makabayan bloc na iharap sa House Committee on Justice ang mga ebidensya upang mapagtibay ang kanilang inihain na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na sisimulan nang talakayin ngayong araw.
Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Butuan, ibinunyag ng isa sa mga nagrereklamo na si dating ACT Teachers party-list Representative France Castro na hindi na maaaring ma-dismiss ang kanilang reklamo laban sa bise presidente, hindi tulad ng nangyari sa kanilang reklamo laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matatandaang hindi nila naiprisinta sa justice panel ang kanilang mga ebidensya nang hingan sila nito ng komite habang nasa bahagi pa lamang ng pagbanggit o recitation ng kanilang reklamo, na ayon sa kanila ay wala naman sa itinakdang patakaran.
Kumpiyansa si Castro na uusad ang kanilang reklamo matapos ihayag ni House Justice Committee Chairman Gerville Luistro na kung ano ang prosesong kanilang isinagawa sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay ganon din ang kanilang gagawin para sa bise presidente.
Kumpyansa ang kanilang kampo na maihaharap nila ang mga ebidensyang magpapatunay sa kanilang mga akusasyon, kasabay ng kanilang pag-asa na kahit isa lamang sa apat na impeachment complaints laban sa bise presidente ay papaboran ng Senado bilang impeachment court upang tuluyan nang ma-impeach si VP Sara.
















