-- Advertisements --

Binatikos ni ML Partylist Rep. Leila De Lima ang pananahimik ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga sexist na pahayag laban sa kababaihan.

Sa kanyang privilege speech sa Kamara na pinamagatang “The Sound of Sara’s Silence,” sinabi ni De Lima na ang hindi pagsasalita ng Bise Presidente sa gitna ng pambabastos sa kababaihan ay nagpapadala ng maling mensahe tungkol sa pamumuno at respeto sa kababaihan.

Tinukoy ni De Lima ang mga pahayag nina QC Rep. Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio na umano’y ginawa bilang depensa sa Bise Presidente kaugnay ng impeachment complaint laban dito.

Ayon kay De Lima, ang pananahimik ng mga lider sa ganitong isyu ay maaaring magpahiwatig na katanggap-tanggap ang pambabastos at kawalan ng respeto sa kababaihan. 

Binigyang-diin din niya na dapat managot ang mga pinuno kapag mali ang kanilang asal o kapag pinipiling manahimik sa mahahalagang usapin.

Ikinumpara rin ni De Lima ang katahimikan ni Duterte sa iba pang isyu, kabilang ang mga pahayag ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang rally sa Davao at ang usapin ng soberanya sa West Phil Sea.

Hinimok ni De Lima ang kapwa mambabatas na huwag ipagsawalang-bahala ang mga sexist na pahayag at igiit ang paggalang sa dignidad ng kababaihan, lalo na ngayong Women’s Month.