-- Advertisements --

Muling magsasagawa ng panibagong kilos-protesta kontra-korapsyon ang ilang grupo, kasabay ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero-25.

Ayon kay Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) Convenor Dr. David San Juan, isinasapinal na ang ilang aktibidad na ihahanay sa isang-araw na rally tulad ng pagmartsa sa EDSA, protesta sa EDSA Shrine, misa, at iba pang programa na magpapakita sa galit ng taumbayan laban sa nangyayaring korapsyon.

Batay sa inisyal na isinagawang pagpupulong, makikiisa rito ang mga ralyistang nakibahagi noong Trillon Peso March (September-21 Luneta rally), at November-30 rally.

Nagpahayag na rin ng pakikiisa ang iba pang mga grupo.

Bagaman hindi pa natatapos ang pagpupulong, inisyal na inirerekomenda ng mga organizer ang pagsasagawa ng isang anti-corruption program sa EDSA Shrine pagsapit ng alas-dos hanggang alas-kwatro ng hapon sa naturang araw.

Sa grupong TAMA NA, inaasahan ang hanggang sampung libo (10,000) miyembro nito na dadalo sa rally, maliban pa sa miyembro ng iba pang grupo.

Sa ngayon, wala aniyang plano ang grupo na magsagawa rin ng rally sa Luneta Park at tanging sa EDSA lamang muna isasagawa ang protesta, bilang pag-alala sa ika-40 anibersaryo ng mapayapang rebolusyon.

Giit ni San Juan, nais ng mga grupo na ipakita muli na may karapatan at kapangyarihan ang bawat Pilipino na kuwestyunin ang gobiyerno at panagutin ang mga opisyal na sangkot sa iba’t-ibang uri ng anomalya, tulad ng mga sangkot sa nabunyag na flood control scandal.