-- Advertisements --

Iniulat ni Philippine Ambassador to UAE Alfonso Ferdinand Ver na wala pang malaking demand para sa repatriation mula sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nakabase sa United Arab Emirates (UAE).

Ito ay sa kabila ng ilang lingo nang tensyon sa Middle East kung saan kasama ang UAE sa mga dumanas ng mga serye ng missile at drone attacks.

Ayon kay Ambassador Ver, mayroong halos isang milyong OFW sa naturang bansa ngunit nananatiling ligtas ang kanilang kalagayan.

Mas marami pa rin aniya ang mga Pilipinong nagnanais manatili sa naturang bansa at magpatuloy sa kanilang trabaho.

Mula noong nagsimula ang kaguluhan, ilang daang Pinoy worker pa lamang ang nagpapahayag ng kanilang kagustuhang makauwi sa Pilipinas – karamihan sa kanila ang natulungan na ng PH government na makabalik sa bansa.

Kinabibilangan ito ng mahigit 400 UAE-based overseas Filipinos noong nakalipas na lingo at karagdagang 300 na target mapauwi ngayong lingo.

Kwento ng Philippine ambassador, ang UAE ang pangunahing bansa na nakaranas ng malaking bulto ng tumamang na missile kung saan halos 2,000 missile na ang kanilang nairehistro – mas marami kumpara sa pinagsama-samang bilang ng missile na tumama sa iba pang Middle Eastern countries.

Gayonpaman, epektibo aniya ang air defense system ng UAE at nagawa nitong mapigilang bumagsak sa lupa o mahahalagang imprastraktura ang halos 90% ng mga pinalipad na missile.

Posible aniyang nararamdaman din ng mga OFW na ligtas sila sa loob UAE kaya’t pinipili nilang manatili sa naturang bansa sa kabila ng kaguluhan doon. (report by Bombo Genesis)