Opisyal nang iniatras ng legal defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang “request for leave to appeal” sa isang confidential decision ng International Criminal Court (ICC).
Binawi ng lead counsel ng dating Pangulo na si Atty. Nicholas Kaufman ang hiling na “leave to appeal” o pahintulot na umapela kaugnay sa isang “confidential decision” ng ICC Pre-Trial Chamber I.
Isinumite ng depensa ang pormal na pagbawi noong March 16, 2026, kasunod ng isang order mula sa korte noong March 13, 2026.
Binigyang-diin ng depensa na ang pagbawi ay “without prejudice”. Ibig sabihin, maaari pa rin nilang itaas ang isyu o maghain ng katulad na hiling sa hinaharap.
Ang binawing apela ay kaugnay ng hiling ng depensa na i-diskwalipika ang “Common Legal Representatives for Victims” o mga abogado ng mga biktima sa kaso na sina Atty. Joel Butuyan, Atty. Gilbert Andres, at kanilang Case Manager na si Atty Nicolene Arcaina.
Naniniwala pa rin ang kampo ni dating Pangulong Duterte na may conflict of interest sa pagkatawan ng mga nabanggit na abogado.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na legal battle sa pagitan ng depensa at ng ICC Pre-Trial Chamber I hinggil sa procedural matters habang nasa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo sa The Hague, Netherlands.
















