-- Advertisements --

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang apela ng dating mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na makalabas ng kulungan matapos igiit na ilegal ang naging pag-aresto sa kaniya ng Bureau of Immigration (BI).

Sa pitong pahinang desisyon ng dating First Division ng CA noong Oktubre 5, pinalagan ng korte ang argumento ni Guo at lininaw ang katotohanang hindi ang BI ang nagpapanatili sa kaniya sa bilangguan.

Ayon sa appellate court, nakakulong si Guo batay sa joint decision na ipinataw ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 dahil sa kasong qualified human trafficking at hindi dahil sa anumang warrant mula sa BI.

Dagdag pa ng korte, walang anumang ebidensya o sapat na basehan na nagpapakitang nilabag ng kaniyang pagkakakulong ang kaniyang karapatang pangkontitusyon sa mabilis na paglilitis at kalayaan.

Kasalukuyang nananatiling nakadetene ang dating alkalde sa Correctional Institution for Women sa lungsod ng Mandaluyong.