Sinilbihan ng panibagong warrant of arrest si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay ng tatlong bilang ng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang warrant ay inilabas ng Pasig Regional Trial Court Branch 67 at kasama sa kaso ang 11 iba pang indibidwal.
Nagtakda ang korte ng P90,000 piyansa para sa bawat bilang ng kaso.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City matapos siyang hatulang guilty ng Pasig court sa kasong qualified human trafficking at masentensiyahan ng reclusion perpetua o life imprisonment.
Bukod kay Guo, hinatulan din ng habambuhay na pagkakakulong ang kanyang mga co-accused na sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, Walter Wong Rong, Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang at Nong Ding Chang.
Inatasan din silang magbayad ng P2 million na multa sa bawat kaso.
Iniutos din ng korte ang pagkumpiska ng P6-billion Baofu compound, gayundin ang permanenteng pagbawi sa registration ng Baofu Land Development Inc., Hongsheng Gaming Technology Inc., at Zun Yuan Technology Inc.
















