-- Advertisements --

Iimbestigahan ng Bureau of Immigration (BI) ang records nito kay Pagadian City Mayor Samuel Co sa gitna ng pagkwestyon sa kaniyang citizenship.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, magkakasa sila ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon laban sa alkalde sa gitna ng haka-haka na posibleng isa siyang Chinese national, na nagkukubling Pilipino at may pekeng mga dokumento gaya ni dating Bamban Mayor Alice Guo, na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong human trafficking.

Base sa mga nakalap na dokumento, napaulat na ipinanganak si Co noong Marso 10, 1966 sa Clinica Santo Niño sa Pagadian City. Ang kaniyang ama ay natukoy na si Co Tek Chun at ang kaniyang ina ay si Co Sy Suat Kim.

Nang siyasatin ang ilang mga dokumento tulad ng birth, marriage at death certificates ng kaniyang mga magulang, walang nahanap, at ang kaniyang magulang ay inilibing sa isang Chinese cemetery sa Pagadian City.