-- Advertisements --

Nakumpleto na ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ang lahat ng medical at laboratory test bilang paghahanda sa kanyang paglipat sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Kumpirmado ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Huwebes na naisagawa na sa loob ng Pasig City Jail ang lahat ng kinakailangang pagsusuri.

Inisyu ng Pasig Regional Trial Court ang commitment order na nag-uutos na ilipat si Guo sa CIW sa Mandaluyong City upang doon niya simulan ang pagsisilbi ng kanyang sentensiya.

Ayon sa BJMP, bahagi ng standard pre-transfer protocol ang mga pagsusuring ito bago ma-turn over ang isang inmate sa Bureau of Corrections (BuCor).

Nauna nang ibinasura ng Pasig RTC Branch 167 ang hiling ni Guo na manatili sa Pasig City Jail, dahil ang CIW ang itinalagang pasilidad para sa high-risk female inmates.

Si Guo ay na-dismiss bilang alkalde matapos masangkot sa kontrobersiya kaugnay ng umano’y pagkakadugtong niya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Bamban.

Nahaharap din siya sa mga kasong kriminal at administratibo, kabilang ang falsification at paglabag sa immigration laws, matapos kuwestiyunin ng Senado ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.