Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na bahagi ng smear campaign ang mga bagong alegasyon na nagdadawit kay VP Sara Duterte sa ilang iligal na aktibidad tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at illegal drugs trade.
Kung babalikan ay ibinunyag ng isang nagpakilalang Ramil Madriaga sa pamamagitan ng isang notarized affidavit na nakinabang umano si VP Sara sa POGO at mga drug dealer kung saan nagamit umano ang perang mula sa mga ito, para sa kaniyang pangangampaniya noong 2022 Presidential Elections.
Sinabi rin ni Madriaga na inutusan siyang maghatid ng mga malalaking bag na naglalaman ng hanggang P30 million na halaga ng cash sa ilang lugar tulad ng Laguna, QC, atbpa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na posibleng nakipag-ugnayan si Madriaga sa kasalukuyang administrasyon upang sirain ang pangalawang pangulo kapalit ng pagkakadismiss sa kaniyang kasong kidnapping.
Tiniyak din ni Roque na hindi kilala ni VP Sara si Madriaga.
Giit ng dating dating Duterte appointee batid ng kampo ni VP Sara ang kagustuhan ng administrasyon na sirain si Sara kaya’t lumalabas na umano ang pagiging-desperado ng mga Marcos Admin.
Inakusahan din ni Roque ang kasalukuyang administrasyon na sinisira, kahit pa ang sistema ng katarungan sa bansa.
















