-- Advertisements --

Itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) na nakakatanggap ng special treatment si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

Sa kasalukuyan, ang tinanggal na alkalde ay nasa Correctional Institution for Women (CIW), isang pasilidad na nasa ilalim ng BuCor.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. kasalukuyang sumasailalim sa mandatory five-day quarantine period si Alice kasunod ng kaniyang pagkakalipat mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon sa retiradong heneral, lahat ng mga persons deprived of liberty (PDL) ay sumasailalim sa parehong regulasyon at restriction, anuman ang kanilang katayuan sa buhay.

Pinapayagan din aniya ang abogado ng dating alkalde na makabisita sa kaniya, salig sa health and security protocols na sinusunod ng kawanihan.

Pinabulaanan din ng BuCor na nabibigyan ng pagkakataon ang dating alkalde na magamit ang kaniyang cellphone habang siya ay nasa loob ng kulungan.

Ayon kay Catapang, bukas ang record ng kulungan ukol kay Guo atbpang preso, kasabay ng pagsusulong nito ng transparency sa ilalim ng correctional system ng bansa.