-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Corrections na walang magiging espesyal na pagtrato para sa mga mahahatulang ‘guilty’ sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa pagtatanong kay Director General Gregorio Catapang Jr, kanyang ibinahagi na hindi mangyayari at nilinaw na hindi mas magiging komportable sa bilangguan.

Aniya’y ang mga masesentensyahan ukol sa kasong may kinalaman sa korapsyon ng flood control ay kanilang dadalhin sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.

Kanyang sinabi na partikular silang idedetene sa ‘supermax facility’ ng kawanihan kung saan sila’y nababantayan maigi ng mga tauhan nito.

Kadalasan dalawang tao lamang raw ang nasa loob ng isang selda at nilinaw na ito’y ‘open-air’ at walang ‘aircon’.

Kanya pang ibinahagi na ang mga makukulong rito’y hindi basta-basta lamang makalalabas sa kani-kanilang selda.

Subalit pagtitiyak na may inilalan oras sa umaga at hapon para sila’y masikatan ng araw.

Paliwanag naman ni Corrections Dir. Gen. Catapang Jr. kung bakit dito dadalhin ang mga sangkot sa flood control ay sa kadahilanang isasara na ang New Bilibid Prison sa lungsod ng Muntinlupa.