Patuloy ang aktibidad ng Bulkang Mayon kung saan naitala ang effusive eruption sa ika-55 araw nitong Linggo, Marso 1, na may kasamang lava effusions, at strombolian activity, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa mga state volcanologist, ang patuloy na pagsabog ng Mayon Volcano ay nagdulot ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents (PDC) o “uson”, at mga rockfalls.
Nanatiling nasa Alert Level 3 naman ang Mayon Volcano, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa six-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ).
Sa isang hiwalay na update, sinabi ng PHIVOLCS na may lava effusion at flow naitala sa Basud (3.8 km), Bonga (2.6 km), at Mi-isi (1.3 km) gullies, kasabay ng minor strombolian activity at ash emissions.
Mula hatinggabi ng Pebrero 28 hanggang hatinggabi ng Marso 1, naitala ang 22 volcanic earthquakes, 310 rockfall events, at 7 PDC signals.
Kitang-kita rin ang crater glow habang umaabot ng 200 metro ang mga plumes na may kasamang moderate emissions.















