Patuloy ang pagbuga ng bulkang Kanlaon ng makapal na abo ngayong Sabado, Agosto 22.
Base sa time-lapse camera footage na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naobserbahan ang paglalabas ng bulkan ng makapal na abo na umabot ng hanggang 150 metro ang taas sa ibabaw ng summit crater bago mapadpad sa timog-silangang direksiyon dahil sa malalakas na hangin.
Nauna nang iniulat ng ahenya na mula alas-12:00 ng madaling araw ng Biyernes hanggang alas-12:00 ng umaga ngayong Sabado, walong volcanic earthquakes ang naitala sa bulkan.
Sa kabila nito, sinabi ng ahensiya na nananatili sa Alert Level 2 ang bulkan, nangangahulugang nasa moderate level of volcanic unrest ito. Ipinapahiwatig nito na may mataas na posibilidad na may umuusbong o gumagalaw na magma sa ilalim na maaaring magdulot ng pagsabog.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ), hindi rin pinapayagan ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan at kailangan maging alerto ang mga nakatira malapit sa bulkan para sa posibleng pagtaas pa ng alerto.















