Nagpalabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ukol sa banta ng lahar flow sa palibot ng Taal Volcano at Mt. Pinatubo ngayong araw, Agosto 29, dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ng hanging habagat.
Ayon sa ahensiya, ang patuloy at mabibigat na pag-ulan ay maaaring magdulot ng mga volcanic sediment flow o lahar flow, mudflow, at pag-agos ng maputik na tubig sa mga sapa at ilog. Ang malalaking bulto ng lahar at putik ay posibleng tumuloy sa mga drainage canal at umabot sa mga mababang komunidad.
Dahil dito, pinag-iingat ng Phivolcs ang publiko at pinatututukan ang sitwasyon sa mga pre-determined zones o mga lugar na dati nang natukoy na madaling maapektuhan ng lahar at mudflow.
Kabilang sa mga pangunahing pinapabantayan ang mga sapa sa kanlurang bahagi ng Mt. Pinatubo kung saan naipon ang malaking bulto ng pyroclastic density currents (PDC) mula pa noong 1991 eruption. Ang naturang lahar ay maaaring dumaloy sa mga sapa at ilog na sakop ng mga bayan ng San Marcelino, San Narciso, San Felipe, at Botolan sa Zambales.
Posible ring magkaroon ng lahar flow sa hilaga at timog-silangang bahagi ng bulkan na maaaring makaapekto sa mga lalawigan ng Tarlac at Pampanga.
Samantala sa Taal Volcano, maaaring maiwanod ng malalakas na ulan ang mga naipong volcanic debris sa hilaga at kanlurang dalisdis ng bulkan patungo sa mga daluyan ng tubig hanggang sa Taal Lake. Maaaring maapektuhan nito ang mga komunidad sa Agoncillo, Laurel, at Talisay sa Batangas.
Pinaalalahanan ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan sa mga nabanggit na lugar na patuloy na subaybayan ang sitwasyon at maagang magpalabas ng abiso o babala para sa kaligtasan ng mga residenteng posibleng maapektuhan.















