-- Advertisements --

Nanawagan si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon sa mga awtoridad na ilipat si Ramil Lagunoy Madriaga, ang detained whistleblower, sa isang mas ligtas na pasilidad kasunod ng pag-file ng affidavit nito na nag-uugnay sa kampanya ni Vice President Sara Duterte noong 2022 na diumano’y nagmula ang perang ginamit ng Bise sa pangangampanya sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga drug financiers.

Ayon kay Gadon, pangunahing isyu na ngayon ang kaligtasan ni Madriaga dahil sa bigat ng mga akusasyon at ang panganib na kinakaharap ng isang bilanggo na nag-aakusa laban sa malalakas na tao.

Nagbigay babala si Gadon na maaaring mapahamak o mapatay si Madriaga sa loob ng kulungan kung hindi magiging mahigpit ang seguridad.

Dagdag pa niya, may mga senyales na posibleng may banta sa buhay ni Madriaga batay sa kanyang affidavit.

Bukod sa mga isyu ng kaligtasan ng whistleblower, sinabi pa ni Gadon na ang mga alegasyon ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon, at binigyang-diin na ang pagtanggap ng campaign contributions mula sa mga POGOs at mga ilegal na pinagmulan ng pera ay hindi lamang labag sa batas, kundi maaari ring magdulot ng mga banta sa national security.

Sinabi pa ni Gadon na ang pagtanggap ng mga donasyon mula sa POGOs at mga drug-related na pinagmulan ay nagpapahina sa integridad ng halalan at nagdudulot ng pangamba sa posibleng impluwensya ng mga banyaga, lalo na ang mga alegasyon na may koneksyon ang mga POGOs sa China.

Kaugnay ito nanawagan namana si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ng imbestigasyon at sinabing kailangang pagtuunan ng pansin ang mga detalyadong pahayag ni Madriaga.

Si Madriaga, na isang self-proclaimed “bagman,” ay nagbigay ng detalyadong pahayag sa kanyang notarized affidavit na may petsang Nobyembre 29, 2025.