-- Advertisements --

Naniniwala si Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na hindi maiiwasang mag resulta sa isang “compromise agreement” ang anumang anti-dynasty law na maipapasa sa Kongreso.

Ayon kay Garbin, suportado niya ang panukala at matagal nang panahon o long overdueang pagpasa ng isang enabling law upang ganap na maipatupad ang probisyon ng Konstitusyon laban sa political dynasties.

Aminado si Garbin na malaking balakid sa pagpasa ng naturang panukala ang katotohanang maraming kasapi ng Kamara at Senado ang nagmumula mismo sa mga political families.

Batay sa pagsusuri ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), tinatayang 67 porsiyento ng mga miyembro ng House of Representatives ay kabilang sa tinatawag na “fat dynasties” o mga pamilyang may maraming kasaping humahawak ng puwesto sa gobyerno.

Iginiit ni Garbin na kailangang makipagkompromiso ang mga may-akda ng 21 panukalang anti-dynasty bill sa malaking bilang ng mga mambabatas mula sa political dynasties sa Kamara, gayundin sa Senado na may kahalintulad na sitwasyon.

Para kay Garbin, maituturing na “total ban” ang panukalang pagbabawal sa pagtakbo o panunungkulan ng mga magkamag-anak hanggang ikaapat na antas ng consanguinity at affinity, na itinutulak ng ilang may-akda ng panukala.