Mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang pahayag ng tagapagsalita ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na nagsabing may mga opisyal ng Pilipinas na maaaring humantong sa “pay the price” dahil umano sa pagpapakalat ng disinformation.
Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, hindi magpapasindak ang DND at Armed Forces of the Philippines sa anumang banta ng China at patuloy nilang tututulan ang mga umano’y kasinungalingan at ilegal na gawain nito sa West Philippine Sea (WPS).
‘We shall continue to speak against their lies and malign actions when such are committed,’ ani Andolong.

Maaalalang lumalala ang tensyon matapos maghain ng diplomatic protest ang China laban sa Philippine Coast Guard spokesperson na si Commodore Jay Tarriela kasunod ng paggamit ng opisyal ng caricatures na naglalarawan kay Chinese President Xi Jinping sa isang presentation kaugnay sa mga aktibidad ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Iginiit naman ng DND na walang legal na batayan ang pag-angkin ng China sa WPS, alinsunod sa desisyon ng international arbitral tribunal noong 2016 na pumabor sa Pilipinas.
‘The WPS (West Philippine Sea) and any of its features have never been part of the PROC and we shall continue to perform our duty to stop the PROC’s malign influence and illegal activities in our areas of jurisdiction,’ ayon pa sa pahayag ng ahensya.















