-- Advertisements --

Nagbabala ang mga health expert sa publiko laban sa influenza-like illness partikular na ng respiratory syncytial virus (RSV) na maaaring makuha sa gitna ng nararanasang malamig na klima bunsod ng epekto ng hanging amihan.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng infectious disease health expert na si Dr. Rontgene Solante na mayroong pangmatagalang epekto ito sa isang indibidwal na nadapuan ng sakit.

Ibinabala niya na ang highly contagious virus ay patuloy na nagdudulot ng pagkaospital bawat taon habang nananatiling limitado ang kamalayan ng publiko hinggil sa sakit.

Kayat binigyang diin ng eksperto ang kahalagahan ng taunang pagpapabakuna at patuloy na pagsasagawa ng awareness initiative dahil seasonal ang respiratory syncytial virus sa Pilipinas na karaniwang tumatama kapag mas malamig ang panahon at sa mga buwan na maulan.

Ang RSV ay isang common cause ng respiratory infection na maaaring humantong sa seryosong sakit sa mga sanggol, bata at adults na edad 60 pataas.

Bagamat ang mga sintomas ay mild lang at pareho sa karaniwang sipon, maaaring magdevelop ng severe respiratory o komplikasyon ang mga matatanda at mayroong underlying conditions.

Sa ngayon, wala pang gamot para sa RSV kaya mainam na agapan ito habang maaga pa.