-- Advertisements --

Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi kawani ng ahensiya ang sinuman sa tatlong Pilipinong inaresto dahil sa umano’y pag-eespiya para sa China.

Ito ay matapos kumpirmahin ng National Security Council (NSC) ang pag-aresto ng mga awtoridad ng Pilipinas sa tatlong suspek, na konektado sa personnel na nagtratrabaho sa Department of National Defense, Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Comm. Jay Tarriela, base sa NSC ang isa sa mga suspek ay malapit sa PCG, ibig sabihin, hindi ito isa sa kanilang kawani, kayat hindi ito miyembro, officer o civilian employee ng PCG.

Itinanggi rin ni Comm. Tarriela na miyembro ang indibidwal sa West Philippine Sea Transparency Group.

Ayon pa kay Comm. Tarriela, nakakaalarma ang naturang insidente dahil sa umano’y pagkaka-leak ng impormasyon kaugnay sa mga operasyon ng Piipinas sa WPS.

Kaugnay nito, nakikipagtulungan na ang PCG sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Bureau of Investigation para siyasatin ang nabunyag na sensitibong impormasyon.

Aniya, ngayong batid na nila ang modus operandi ng gobyerno ng China na mag-recruit ng informants para maisiwalat ang sensitibong impormasyon, papaigitingin pa nila ang kanilang monitoring dahil posibleng may mga iba pang personalidad sa loob ng gobyerno ang gumagawa ng kaparehong gawain.