-- Advertisements --

Nakarekober ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang hinihinalang underwater drone na may Chinese markings matapos itong madiskubre ng mga mangingisda sa Linapacan, Palawan.

Ayon sa PCG, natagpuan ng mga mangingisda mula Sitio Tapic, Barangay New Colaylayan ang 12-talampakan na device noong Linggo habang nangingisda malapit sa Barangonan Island.

Isinuko nila ito sa Coast Guard, na agad namang dinala sa PCG Station Linapacan para sa pagsusuri kasama ng law enforcement agency.

Sa inisyal na inspeksyon, nakita ang isang conductivity-temperature-depth sensor na may Chinese markings at serial number.

Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang kagamitan ay nakalagay sa matibay na metal frame at kahalintulad ng mga autonomous underwater vehicle o underwater drone na ginagamit sa oceanographic survey at posibleng surveillance.

Inihayag naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na mahalaga ang insidente bilang paalala sa pangangailangan ng kooperasyon ng komunidad at buong bansa upang pigilan ang mga hindi awtorisadong aktibidad sa ating katubigan. Pinuri rin niya ang mga mangingisda sa maagap na pag-uulat sa namataang device.

Samantala, isinasailalim ang bagong nakuhang device sa forensic tests upang tukuyin ang tunay na pinagmulan at matukoy kung may banta ito sa pambansang seguridad.

Nanawagan ang PCG sa publiko na agad ireport ang anumang kahina-hinalang bagay na makikita sa dagat sa pinakamalapit na himpilan ng Coast Guard.