KALIBO, Aklan—Umaapela ngayon ang mga mamamayan ng Brooke’s Point, Palawan sa pamahalaan na mabigyang pansin ang kanilang hinaing kaugnay sa pagpapatigil ng mining operation sa kanilang lugar.
Ito ay sa gitna ng sunod-sunod na paghagupit ng bagyo kung saan, isa ang operasyon ng Ipilan Nickel Corporation ang itinuturong dahilan kung bakit naranasan nila ang mga malawakang pagbaha sa iba’t ibang barangay ng bayan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Brooke’s Point Vice Mayor Atty. Mary Jean Feliciano, hindi nagbabago ang kaniyang panindigan na matulungan ang kaniyang kababayan sa pakikipaglaban sa mining operation kung sana, nang siya ang alkalde ng bayan ay naging mitsa ito ng pagkasuspinde sa kaniya ng Ombudsman sa loob ng isang taon.
Sa kaparehong taon din aniya nagsimula na ang operasyon ng minahan na hanggang sa kasalukuyan kahit walang kaukulang dokumento at clearance ay patuloy ang pagmimina sa kabundukan.
Ikinalungkot rin ang naging masamang epekto sa kabuhayan ng mga mamamayan tulad na lamang mga mangingisda na wala nang mahuling isda sa dagat dahil sa umaagos ang putik mula sa bundok papuntang dagat lalo na kapag malalakas ang mga pag-ulan.
Habang sa mga magsasaka naman ay wala nang matinong ani ang mga ito dahil sa natambakan ng putik ang kanilang pananim dulot ng tubig-baha na may halong putik at laterite na delikado para sa kalusugan ng publiko.
Ayon pa kay Atty. Feliciano, mahirap na kalaban ang nagmamay-ari ng minahan na si Joseph Sy o Johnson Chua Sy na kasalukuyang nakakulong matapos matuklasan ng Bureau of Immigration na nagpakilala siyang Filipino na ang katotohanan ay Chinese ang kaniyang citizenship.
Gayunpaman, tuloy ang laban para sa hindi tuluyang masira ang kalikasan.
















